𝐌𝐠𝐚 𝐭𝐫𝐚𝐢𝐧𝐞𝐞 𝐧𝐠 𝐀𝐠𝐫𝐢 𝐂𝐫𝐨𝐩𝐬 𝐬𝐚 𝐁𝐚𝐬𝐢𝐥𝐚𝐧, 𝐊𝐮𝐦𝐢𝐤𝐢𝐭𝐚 𝐧𝐚 𝐬𝐚 𝐊𝐚𝐧𝐢𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐌𝐠𝐚 𝐀𝐧𝐢
Matagumpay na nakapag-ani ng kanilang mga pananim at kumikita na ngayon ang mga trainee matapos ang ilang buwang skills training sa Agricultural Crops Production NC I. Ito ay mga pamilya at dependents ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sumailalim sa programa ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) sa ilalim ng Food Security Convergence Program.
Sa pamamagitan ng programa, naituro sa 25 trainee na mula pa sa Brgy. Guinanta, Albarka Municipality, ang mga makabagong teknik sa pagsasaka at sustainable na paraan ng produksyon na makakatulong sa pagtaas ng kanilang ani at pagpapakain sa kanilang komunidad. Kasama na rin sa kanilang training ang pagtanim ng iba’t ibang uri ng pananim na bagay sa lokal na klima at lupa, tulad ng mga gulay, prutas, at mga halamang-ugat.
Ngayon, nakapag-ani na ang mga trainee ng kanilang mga pananim at kanilang binenta ang mga ito sa mga tao sa kalapit na lugar tulad ng Isabela City. Ang tagumpay ng programa ay nagpapakita ng epektibong pagpapakalat ng kaalaman at kasanayan sa mga trainee, pati na rin sa kakayahang mag-apply ng mga ito sa tunay na buhay.
Ayon kay Nahla M. Daggong, isang trainee at miyembro ng MILF, malaki ang naitulong ng programa sa pagpapabuti ng kita ng kanyang pamilya. “Malaki po ang naitulong ng training sa amin, tulad ngayon na may ani na kami at naibebenta ko po ito kasama ng aking mister. May pumakyaw na rin po ng mga benta namin” sabi niya. “Limitado lang ang alam namin dati, ngayon marami kaming dagdag na kaalaman tungkol sa pagtatanim na naaplay din namin.”
“Sa tulong ng mga programa tulad ng Food Security Program ng BARMM, layunin ng gobyerno na malunasan ang suliraning kakulangan sa pagkain sa rehiyon. Isa rin ito sa prayoridad na programa ng kasalukuyang pamahalaan ng Basilan na nakatuon sa sektor ng agrikultura at seguridad sa pagkain.” ayon kay Provincial Director ng MBHTE-TESD Basilan Muida S. Hataman.
Ang pagpapatupad ng programa ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education sa pakikipagtulungan ng Basilan Skills Development Academy (BASDA) na siyang nag implementa ng training ay nagpapakita ng kahalagahan ng kooperasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong institusyon sa pagtugon sa mga suliraning pang-lipunan. Habang patuloy na nag-aapply ng kanilang mga natutunan, inaasahan na ang magiging kontribusyon ng programa sa makabuluhang pag-unlad ng rehiyon ng BARMM.
#TESDBasilan #TESDAAbotLahat #NoBangsamoroLearnersLeftBehind